Monday, August 23, 2010

MISSteryoso


“Siya ang kailangan ko upang maging masaya. Siya ang kailangan ko para maramdaman ko ang pag-ibig na matagal ko nang pinapangarap…”
Lumipas na naman ang isang araw at heto pa rin ako, mag-isa at naghihintay na baka sakaling dumating na rin sa wakas ang magmamahal sa akin. Tinatanong nila ako kung bakit daw patuloy akong nagpapakatanga sa nararamdaman ko. Sabi nila, sinasayang ko lang daw ang panahon at pag-ibig na dapat sa iba ko na lang ibaling at ibigay. Pero sadyang mahirap turuan ang puso. Kung pwede lang sana, matagal ko na siyang binura sa buhay ko.
Sa dinami-rami ng pwedeng kong pagpilian, bakit nga ba siya pa na kailanman ay isang magandang panaginip lamang na hindi magkakatotoo? Ano kaya ang kailangan kong gawin para lang mapansin niya na ako at maramdaman niyang mahal ko siya?
Tumingin ako salamin at unti-unti kong pinupuna ang aking sarili. Sinisiyasat ang bawat kilos ko, ang bawat bahagi ng aking katawan at maging ang pagkatao ko upang malaman ko kung ano ba ang kulang sa akin at tila hindi niya ako mapansin.
Bumungad sa aking paningin ang napakagandang babae habang minamasdan ko ang sarili sa salamin. Makinis ang balat, maaliwas ang mukha at maayos ang buhok. Mapula ang kanyang labi, bilog ang kanyang mata at matangos ang kanyang ilong. Wala akong masabi sa kanyang kagandahan dahil para sa akin, isa siyang perpektong tao. Siguro naman sa gandang ito wala ka nang hahanapin pang iba.
Sana siya na lang. Sana akin na lang siya para maging masaya ako at makuha ko na ang matagal ko nang ginugusto. Hindi ko siya pababayaan. Magiging mabuti ako sa kanya. Gagawin ko ang lahat para hindi siya mawala sa akin. Hindi ko siya sasayangin.
Subalit… nang muli akong tumingin sa salamin, luha at kalungkutan ang naging kapalit nito sa aking mukha. Nakita ko ang aking  sariling napanghihinaan ng loob. Sa aking mga mata ay nandoon ang isang nagmamakaawang damdamin na sana ako na lang…
Dito ko napagtanto na hindi lahat ng bagay na ating gusto, malaki man o maliit, ay ganoon kadaling mapapasakamay natin. Kung minsan kailangan nating tanggapin na hindi lahat ay pwede. Gaano man ito kasakit, ang pagtanggap ang pinakaminam na paraan upang hindi mo maramdaman ang sakit.
Kaya ngayon, hindi na ako masyadong umaasa na mamahalin ako ng taong gusto ko. Siguro kailangan kong hintayin ang tamang pagkakataon at hindi madaliin ang panahon because even if life can’t wait, love can.
Sadya mang malupit ang tadhana kong ito, kailangan kong magparaya at tanggapin ang katotohanan. Kung sana ako na lang ang babaeng nasa salamin… kung sana ako na lang siya… kung babae lang sana ako.

No comments:

Post a Comment